Poetry

Poem of the Month (July)

“Liriko”

Gusto kong marinig ang awit ng iyong pag-ibig
sumayaw sabay ang ritmo ng awitin mo
malunod sa bawat salitang sinasambit
mawala, mabaliw, sumayaw, gumalaw na parang
wala ng bukas, dahil bawat melodiya
at bawat salitang binibigkas ay parang
hipnotismong sa akin ay nagtatali
hindi ko lang masabi pero ako ay mawawala
sa sarili kapag nagpatuloy ang iyong mga tula
na nagdadala ng katotohanan at kathang-isip
sa iisang mundo, hindi na alam kung ano ang totoo
at kung ano ang gawa lamang ng tao
ngunit hindi ba Diyos lang ang may kakayahan
na gumawa mula sa wala, o gumawa mula sa salita
hindi ba’t siya rin ang nagsabi na tao man ay Diyos din
na tayo rin ay may kakayahang lumikha
at may mga taong nagnais lumikha ng mundong iba
sa kinalakhan, kinagisnan nila
at ang kakayahang ito ay hindi sa tao nagmula
kundi sa Diyos na Maylikha
kung tunay ngang maharlika ang ating lahi
muli nating suriin ang ating mga budhi
maitim, mapula, maputi, masigla nga ba ang binhi
ang binhing itatanim ang siya ding aanihin
hindi namumunga ng ubas ang puno ng mansanas
ang bawat salita ring binibigkas, kung hindi galing sa sariling utak
ay hiram mula sa mga salita, sa mga utak ng sa atin ay mga nauna

(Originally published on my Facebook page called Lyrico Hijo on 06/07/2017)

%d bloggers like this: